Dahil sa pikunan sa teleserye: lalaki, nabaril ng kainuman

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2017 07:01 PM

Natagpuang nakahandusay sa labas ng tinutuluyan niyang kubo sa Barangay Camarag, San Isidro, Isabela ang farm caretaker na si Roger Manisa matapos itong barilin ng kainuman. Retrato ni Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Patay ang 31 anyos na si Roger Manisa matapos umanong barilin ng kanyang kasamahan sa trabaho sa San Isidro, Isabela. 

Habang nag-iinuman noong Miyerkoles ng gabi, nakainitan umano sina Manisa at katrabahong si Alex Garcia sa diskusyon tungkol sa teleseryeng 'La Luna Sangre'. 

Sa imbestigasyon, isang tama ng bala sa ulo ang agarang ikinamatay ni Manisa. Sinubukan pa itong dalhin sa ospital, ngunit idineklara itong dead-on-arrival. 

Agad namang sumuko ang suspek na si Garcia na aminadong nagkasagutan sila ni Manisa dahil sa teleserye kaya niya ito binaril. Dagdag pa niya, lango na rin siya sa alak nang mangyari ang insidente. 

Ayon sa pulisya, ito ang unang pagkakataong nag-away ang magkatrabaho na isang buwan nang magkasama sa farm. 

Nahaharap naman sa reklamong murder at paglabag sa Republic Act 10591 o New Firearms Law si Garcia. 

Nakatakda namang iuwi sa Zamboanga del Sur ang mga labi ni Manisa. 

-- Ulat ni Danielle Louise Rebollos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.