Binatilyo, 3 iba pa, tiklo sa Cebu drug bust

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2017 09:26 AM

Nakaposas na ang menor de edad na si "Mark" matapos mahuli sa isinagawang buy bust operation sa bayan ng Consolacion sa Cebu City

Apat na katao, kabilang na ang isang menor de edad, ang naaresto sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operation ng awtoridad nitong Martes sa bayan ng Consolacion, Cebu.

Dinakip ng pulisya ang 17-anyos na lalaki sa buy-bust operation na ikinasa sa Sitio Kalubihan, District 2, Barangay Pulpogan.

Ayon kay “Mark”, di tunay na pangalan, nagbebenta siya ng shabu para kumita ng perang gagamitan sa kaarawan ng kanyang 3 mga kapatid. Siya lang umano ang lalaki sa anim na magkakapatid. Ang kanilang ama ay pumanaw na habang ang kanyang ina naman ay namamasukan bilang labandera.

Pero ayon kay PO1 Jenny Rusiana, street level pusher si Mark sa barangay. Ang kanyang tiyahin nakilalang si “Jonah” ang nagudyok umano dito na magsilbing kanyang runner.

Hindi pa rin nahuhuli hanggang ngayon si Jonah.

Samantala, huli din sa Barangay Casili at Polpugan ang tatlong kataong kinilalang sina Dioscoro Tautoan, Isabelo Egam Jr. at Jamine Gia. Sina Tautoan at Egam umano ang subject ng operasyon habang si Gia ang nagsilbing runner.

Sinabi ni Superintendent Mina Domingo, nanggagaling pa ng Cebu at Danao City ang shabu na binebenta umano ng tatlo.

Nakarekober din ng ilang piraso ng shabu mula sa mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.