2 babaeng sangkot sa droga, pinagbabaril

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2017 09:01 PM | Updated as of Aug 25 2017 09:55 AM

Dalawang babae na sinasabing sangkot sa droga ang magkahiwalay na pinagbabaril sa Abad Santos sa Maynila.

Kita sa CCTV ang pagdating ng dalawang lalaking naka-motor sa Abad Santos sa Tayuman, Maynila nitong Linggo, Agosto 23. Bumaba ang isang lalaki na may takip sa bibig at maya-maya pa ay biglang may pumutok na baril sa lugar, ayon sa mga testigo. Nahagip ng CCTV ang pagkatumba ni Mae Velasquez at ang pagbaril sa kaniya.

Agad namang tumakas ang namaril. Saka dumating ang asawa ni Velasquez at niyakap siya, sabay binuhat papunta sa isang tricycle para isugod sa ospital. Sa ospital na binawian ng buhay si Velasquez.

Samantala, malakas ang paniwala ng asawa nito na may kinalaman sa droga ang pamamaril sa kaniyang misis. "Gumagamit po yan pero hindi naman araw-araw," aniya.

Sa isa pang insidente, nakunan din ng CCTV kahapon, Agosto 23 ang pagtakbo sa ospital kay Alma Manalata matapos siyang barilin ng mga armadong lalaki habang tatlong tama ng bala ang tinamo niya sa likod.

Ayon sa kaniyang mga kamag-anak, kritikal ngayon ang kondisyon ni Manalata na may bala pang nakabaon sa katawan.

Paniwala ng kaniyang mga kaanak, may kinalaman din sa droga ang pamamaril kay Manalata dahil anila, dating drug user daw ito.

Napag-alamang ang dalawang biktima ay parehong nakulong dahil sa iligal na droga at may katransaksiyon umano sa kani-kanilang lugar.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.