'Nanlaban' din: 3 suspek sa droga patay sa QC

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2016 08:03 AM

MANILA - Tatlo ang patay matapos umanong manlaban sa mga pulis sa anti-illegal drug operation sa La Loma, Quezon City Miyerkules.

 

Target ng operasyon sa Barangay San Jose si alyas Buboy, drug suspect na sumuko sa Oplan Tokhang noong Hulyo 4.

Ayon kay Inspetor Rafael Tumibay ng Station against Illegal Drugs, nangako ang suspek na ititigil ang iligal na gawain pero lumabas sa kanilang monitoring na lantaran pa rin itong nagbebenta ng bawal na gamot.

Bibili sana ang isang police asset ng droga kay Buboy, pero hindi na ito natuloy nang bigla na lang umanong magpaputok ang dalawang kasamahan ng suspek na nagsilbing lookout.

Agad na gumanti ng putok ng mga pulis, dahilan para mamatay ang tatlong suspek.

Nakuha sa kanila ang dalawang kalibre .45 na baril at isang revolver.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawang kasamahan ni Buboy.