Kunwaring vitamins, P3-M halaga ng ecstasy pills pala

Alex Calda, DZMM

Posted at Aug 24 2016 12:46 PM

MANILA - Tinatayang P3 milyon na halaga ng hinihinalang ecstasy pills mula Germany ang naharang ng mga awtoridad kamakailan, kinumpirma ng Bureau of Customs (BOC) Miyerkules.

Ayon kay BOC Commissioner Nicanor Faeldon, natunugan nilang droga ang laman ng dalawang parcels na dumating sa noong Mayo 7 kaya agad nilang kinumpiska ang mga ito.

Laman ng mga parcel ang 2,000 tableta ng ectasy, na nagkakahalaga ng P1,500 kada piraso.

Dagdag ni Faeldon, unang idineklara na vitamins ang laman ng mga parcel na ipinadala sa isang Darwin Constantino sa Gulod, Novaliches.

Iniimbestigahan ng BOC Anti-Illegal Drugs Task Force at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang consignee at address nito.

Nagbabala rin sa Faeldon sa publiko na huwag samantalahin ang mga balikbayan box at pasilidad ng gobyerno upang makapagpuslit ng kontrabando sa bansa.

Kabuuang P1.3 milyon halaga na anya ng kontrabando ang nakumpiska ng BOC sa loob ng unang 50 araw ng administrasyon ni Pangulong Duterte.

Nakatakdang maglabas ang BOC ng listahan ng mga hihinalaang smuggler sa ika-60 araw nila ng panunungkulan.