Kaanak ni Dayan, itinanggi ang relasyon nito kay De Lima

Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2016 10:06 PM

PANGASINAN - Nagsalita na ang kaanak ni Ronnie Dayan, ang dating drayber ni Senador Leila de Lima. Ayon sa kanila, wala raw relasyon sina Dayan at De Lima.

Takot at halos hindi na raw makatulog ang nakatatandang kapatid ni Dayan. Si Dayan ang itinuturong karelasyon umano ng senadora at iniuugnay din sa iligal na droga sa New Bilibid Prison (NBP).

"Wala akong alam na relasyon nila kasi sa TV lang namin siya nakikita. Hindi pa 'yan pumupunta dito," aniya.

Pinabulaanan din niyang regalo ni De Lima ang dalawang palapag na "white house" sa Urbiztondo. 

Nabili raw ito ng pamilya at ni-renovate lang. Sa katunayan, sa kalapit na orange na bahay raw nakatira ang asawa at anak ni Dayan.

Ayon sa kapatid, hindi magagawa ni Dayan na masangkot sa iligal na droga.

"Hindi po totoo 'yun. Kami mismo galit sa droga. Hindi po 'yan sangkot diyan, napakasipag po niya. Nagsasaka 'yan, nag-aalaga ng baka, manok, at nagse-spray ng mangga para may panggastos," dagdag niya.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabi kamakailan na kukuning witness si Dayan laban mismo kay De Lima.

Nitong Sabado lang, nagpatawag ng press conference si De Lima at inilahad ang kaugnayan sa dating driver-bodyguard na umano'y nagtatago na ngayon.

Ayon sa kapatid, noong nakaraang buwan pa nila huling nakausap si Dayan, bago pa pumutok ang isyu. Nag-aalala na sila kaya't hiling nila na lumantad na ito.

"Sana lumabas ka na kung nasaan ka kasi pati kami nahihirapan na rin... Harapin mo ang problema pagsubok lang ito, malalampasan mo rin," aniya.

Nakiusap din sila sa publiko na huwag agad husgahan ang kanilang pamilya na nadadawit lang umano sa isyu.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.