Abogado, patay sa pamamaril sa Iligan City

Ronnie Enderes, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2016 05:48 PM

ILIGAN CITY - Patay ang isang abogado matapos barilin ng hindi pa kilalang mga salarin Martes ng gabi sa Badelles Street, Barangay Poblacion.

Kinilala ang biktima na si Atty. Allen Evasan, 56 taong gulang.

Ayon sa mga pulis, galing ang biktima sa kanyang law office nang mangyari ang pamamaril. Nagtamo ng tama ng bala sa noo at kaliwang pisngi si Evasan.

Sakay sa itim na Montero Sport ang mga salarin na kaagad umalis matapos barilin ang biktima.

Kaagad na isinugod sa ospital ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival ng mga manggagamot.

Nakuha sa crime scene ang isang fired cartridge ng kalibre .45 na baril.

Dagdag pa ng kapulisan, may banta sa buhay ng biktima noong 2006, at hinagisan pa ng granada ang bahay nito sa Barangay Ubaldo Laya noong 2014.

Trabaho ang isa sa mga anggulong tinitingnan ng mga pulis sa insidente. Humahawak ng mga kasong may kinalaman sa problema sa lupa si Evasan.

Hindi muna nagbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima. Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa pangyayari.

Kinondena naman ng Integrated Bar of the Philippines Iligan Chapter ang pamamaril sa kasamahan nila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.