PatrolPH

Sanggol patay, ina sugatan matapos masunog ang bahay sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2023 11:46 AM

Video courtesy of Mic Chams Pheiyn via Lyza Aquino, ABS-CBN News

 


MAYNILA — Patay ang isang 10 buwang sanggol habang sugatan ang kanyang ina matapos lamunin ng apoy ang kanilang bahay sa Barangay 176, Caloocan City Martes ng gabi.

Sa paunang imbestigasyon ng BFP, isang bahay ang nasunog na pagmamay-ari ng pamilya Del Monte. Sumiklab ang apoy sa naturang bahay pasado alas-6 ng gabi Martes. 

Umabot pa ito sa unang alarma bago ito naapula bandang alas-7:20 ng gabi.

Bagama't walang ibang bahay na nadamay, nasa 18 katao ang nakatira sa nasunog na tahanan.

Iniimbestigahan pa ng BFP ang pinagmulan ng apoy pero ayon sa nakatira sa bahay na si Oscar Del Monte, natabig na kandila ang dahilan lalo na't ilang taon na silang walang kuryente sa bahay.

"Naputulan kami kasi malaki ang bayarin namin, mahigit P30,000. Kaya pinutulan kami," ani Del Monte.

"Isang bahay lang gumagamit ng kandila kasi namatay ang nanay namin sinisindahan niya hangga't nagluluksa siya. Nilagyan niya ng stainless pero dinaanan ng daga natumba dumaan sa kurtina," dagdag pa niya.

Kuwento ni Del Monte, mabilis ang pagkalat ng apoy sa kanilang bahay na ikinamatay ng kanyang apo.

Ayon naman sa ina ng nasawing sanggol na si Mary Ann Acmo, sinubukan niyang umakyat sa bubong ng bahay habang bitbit ang anak noong kasagsagan ng sunog.

Pero dahil mainit na ang yero ay nabitawan niya ang anak. Nalapnos din ang kanyang mga braso at binti dahil ginapang nilang mag-ina ang yero para makatakas.

"Hindi ko na rin kinaya kasi nandun na po lahat ng usok, nabitawan ko po siya. Months palang po siya, hindi pa nga nagbi-birthday," aniya.

Labis ang kalungkutan ni Mary Ann sa sinapit ng kanyang unico hijo at nananawagan ngayon ng tulong pinansiyal para mapalibing niya ang nasawing sanggol. 

Nananawagan din ng tulong ang iba pa nilang kaanak para maipatayong muli ang kanilang bahay.

Pansamantalang nanunuluyan sa covered court sa barangay ang pamilya Del Monte.

Nagpaabot na rin ng paunang tulong ang mga taga-barangay para sa mga apektadong residente.

—Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.