PatrolPH TFC News

Italyano pinatay ang misis na Pinay at anak bago nagbaril sa sarili

Mye Mulingtapang, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Aug 23 2021 05:23 PM

ITALY — Pinatay ng isang Italyano ang kaniyang asawang Pinay at 15 anyos na dalagita bago siya sa nagbaril umano sa sarili sa Carpiano, Italy nitong Linggo ng umaga.

Natagpuan ng mga awtoridad ang bangkay ng 70 anyos na Italyano, 41 anyos na Pinay at kanilang anak sa loob ng kanilang bahay.

Narekober sa crime scene ang isang revolver na hinihinalang ilegal na nakuha ng suspek.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, sinasabing nag-ugat ang krimen sa malimit na pag-aaway ng mag-asawa. Ito ay ayon sa liham na iniwan ng suspek.

Ayon sa ulat, nakatatanggap ng tulong mula sa social services ang pamilya nitong nakalipas na 2 taon dahil na rin sa problemang pinansyal.

Pensyonado ang suspek at tanging ang asawang Pinay lamang ang nagtatrabaho. Mayroon ding criminal record umano ang suspek.

Kuwento ng malalapit na kaibigan, breadwinner ng pamilya sa Pilipinas ang biktima. Anila, mapagmahal na ina ito at mabait na katrabaho at kaibigan.

Pangarap nitong mapagtapos ng pag-aaral ang nag-iisang anak, at makatulong sa inang maysakit.

"Sobrang bait niya. Almost 2 years kami magkasama sa work. 'Til then, lagi kami nagkikita-kita mga co-Filipino workers namin. Lagi 'yan masaya," ani Celine, katrabaho ng biktima.

Hindi makapaniwala ang kaibigan ng biktima na si Gina sa sinapit ng mag-ina.

"Mabait na tao. Lahat gagawin niya para sa pamilya niya. At magaling makisama. Lahat pakikisamahan niya. 'Di madamot na tao, kahit sa work. 'Di marunong magalit, kahit minsan masasakit na biro ng mga tao. 'Di mo makikitang magalit siya," ani Gina, hindi tunay na pangalan.

Plano sana ng mag-ina na magbakasyon sa Pilipinas ngayong Disyembre. 

Ilalabas ang resulta ng opisyal na autopsy pagkalipas ng ilang araw.

Bumuhos ang pakikiramay ng Filipino community at naipaabot na rin sa pamilya sa Pilipinas ang malagim na nangyari sa biktima.

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.