PatrolPH

Active COVID-19 cases sa Laguna tumaas sa 6,824

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2021 04:55 PM

Pumalo sa higit 6,800 ang bilang ng active COVID-19 cases sa Laguna, sabi ngayong Lunes ng provincial health officer.

Ayon kay Dr. Rene Bagamasbad, ngayo'y nasa 6,824 ang bilang ng active cases sa probinsiya, 61 porsiyentong mas mataas sa 2,500 active cases noong Hulyo 31.

Dumami umano ang mga kaso dahil mas pinabilis ng provincial government ang COVID-19 testing.

"Nag-increase ang contact tracing at saka marami ang pinapa-test ngayon ang mga bawat municipality," ani Bagamasbad.

May naitala ding bagong namatay na 18 kaya umabot sa 1,765 ang total deaths dahil sa COVID-19 sa Laguna.

Mula naman ng magsimula ang COVID-19 pandemic, umabot na sa 61,850 ang kabuuang bilang ng mga kaso sa probinsiya.

Nangunguna umano ang Calamba, Sta. Rosa, San Pedro, Biñan, Cabuyao at San Pablo sa mga lugar na may matataas na bilang ng mga kaso.

Hinikayat din ni Bagamasbad ang mga taga-Laguna na magpabakuna dahil marami sa mga nagpopositibo ay walang bakuna.

Marami naman ang dumadating na bakuna sa Laguna pero ang problema'y namimili ng bakuna ang mga residente.

Nasa 400,000 na ang itinuturing na fully vaccinated sa Laguna.

Samantala, inanunsiyo naman ni Laguna Governor Ramil Hernandez na positibo siya sa COVID-19.

Ayon kay Hernandez, naka-home quarantine siya at nakararanas ng mild symptoms.

Tiniyak ni Hernandez na tuloy pa rin umano ang kaniyang trabaho.

Nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine ang Laguna hanggang katapusan ng Agosto.

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.