MANILA – Apat na yate na nakadaong sa Manila International Container Terminal ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) nitong Linggo.
Nasabat ang mga yateng Le Boss (tinatayang 70 talampakan), Yuzhen8 (tinatayang 55 talampakan), Yua Hal Ming Zhu (tinatayang 110 talampakan), at Gu Cheng Gang Guan (tinatayang 59 talampakan) sa tulong ng Manila International Container Port (MICP) at Philippine Coast Guard. Ayon kay MICP collector Romeo Allan Rosales, dapat rehistrado sa mga kinauukulan, gaya ng Philippine Marina, ang pag-angkat ng mga yate.
Tinatayang nasa P120 milyon ang halaga ng mga yateng umano’y ginagamit bilang transportasyon at tirahan, at inaalok pa nga bilang events venue nang walang kaukulang permit o binabayarang buwis.
Nananatiling tutok sa laban kontra smuggling ang BOC sa ilalim ng pamunuan ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero, ayon sa isang pahayag.
yacht, luxury yacht, Bureau of Customs, Romeo Allan Rosales, Commissioner Rey Leonardo Guerrero, BOC