PatrolPH

3 kabataan patay nang masagasaan ng tren sa Maynila

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2021 07:29 AM | Updated as of Aug 23 2021 07:37 AM

MAYNILA - Dead on the spot ang tatlong menor de edad nang salpukin ng tren ng Philippine National Railways sa Sta. Mesa, Maynila nitong gabi ng Linggo.

Naglalakad sa gitna ng riles ang tatlong magkakabarkada, edad 16 hanggang 17, bandang alas-6 ng gabi, ayon kay barangay tanod Lester Narra.

Sinubukan pa umano ng tanod na tawagin ang mga kabataan pero tila hindi siya narinig dahil sa lakas ng busina ng tren.

Kurbada rin ang pinanggalingan ng tren kaya maaaring hindi alam ng mga biktima kung nasaang lane ito ng riles.

Residente ng Old Sta. Mesa ang magbabarkada at dumayo lang sa lugar para magbasketball.

Matinding pinsala sa katawan ang inabot ng mga biktima na agad nilang ikinamatay.

“Nakita ko sila pababa eh. Ditong way sila. Nagulat ako bigla silang lumipat eh nandun yung tren. Kaya nadisgrasya sila kasi hindi nila alam saan nanggagaling yung tren," ani Edson Ragas, testigo.

Hinahanap naman ngayon ng mga pulis ang operator ng tren para sa imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.