PatrolPH

LTO: Mga motoristang walang violation, puwedeng makakuha ng 10-year license

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2020 04:40 PM | Updated as of Aug 23 2020 06:47 PM

Watch more on iWantTFC

Inanunsiyo ng Land Transportation Office na maaari nang makapag-renew ng lisensiyang may bisa nang 10 taon simula Oktubre ng susunod na taon.

Pero ayon kay LTO Chief Edgar Galvante, hindi lahat ay mabibigyan dahil iyong mga may malinis na record at walang violation simula Hunyo 2019 lamang ang puwedeng makakuha ng lisensiyang valid nang isang dekada.

Kung may paglabag, hanggang 5 taon lamang ang validity ng lisensiya, ani Galvante.

Magsisilbing batayan ang inilatag na demerit system alinsunod sa Republic Act No. 10930 na isinabatas noong 2019.

Limang demerit points ang nakukuha, halimbawa, ng mga motoristang may mga grave violation tulad ng mga sumusunod:

- Paggamit ng sasakyan sa krimen
- Pagmamaneho nang lasing o nasa impluwensiya ng ilegal na droga
- Pag-operate ng kolorum
- Paulit-ulit na paglabag sa batas-trapiko

Tiniyak ng LTO na naka-record ang lahat ng naging paglabag ng mga motorista, na magiging batayan sa pagbibigay ng pang-10 taon na lisensiya.

-- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.