Limang tindahan kabilang ang isang bakery, nasunog sa Zamboanga City

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2020 08:16 AM

Rumesponde ang mga taga-Bureau of Fire Protection sa isang sunog Linggo ng umaga sa Zamboanga City. Kuha ni El King Omaga

ZAMBOANGA CITY - Isang malaking sunog ang gumising sa mga residente ng Zamboanga City madaling araw ng Linggo.

Nangyari ang insidente sa isang duplex type three-story building sa Mayor Cesar C. Climaco Avenue, sa Barangay Zone 2 ng lungsod, simula bandang alas kuwartro ng umaga.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, tinupok ng apoy ang limang tindahan, kabilang ang isang bakery, sa naturang gusali.

Walang nasugatan sa sunog, na umabot sa third alarm.

Sa paunang imbestigasyon ng BFP, nagsimula ang sunog sa pangalawang palapag ng building na nagsisilbing storage facility ng isang hardware.

Pero hindi pa matukoy ang naging sanhi ng sunog.

Umabot sa P2 milyon ang halaga ng nasirang ari-arian dahil sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.