COVID-19 cases sa Pilipinas nasa higit 189,000 na

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2020 08:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Umabot na sa 189,601 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa Department of Health.

Ito ay matapos umanong makapagtala ngayong Linggo ang kagawaran ng 2,378 bagong kaso, ang pinakamababang bilang ng mga bagong kaso ngayong Agosto.

Sa mga bagong kaso, pinakamarami ang naitala sa National Capital Region, na nasa 1,022. Sinundan ito ng Cavite, Laguna, Rizal at Cebu.

Nakapagtala rin ang health department ng 16,459 gumaling sa COVID-19 sa ilalim ng Oplan Recovery, kung saan itinuturing nang recovered ang mga dating asymptomatic at mild cases kung wala namang sintomas, natingnan na ng doktor, at nakatapos ng 14 araw ng quarantine.

Dahil dito, umabot sa 131,367 ang kabuuang bilang ng mga gumaling sa COVID-19.

Umakyat naman sa 2,998 ang death toll matapos maiulat ang 32 bagong pagkamatay sa respiratory illness.

Ayon naman sa Department of Foreign Affairs, umakyat sa 9,984 ang bilang ng mga Pilipino sa ibang bansa na nagkaroon ng COVID-19 matapos makapagtala ng isang bagong kaso.

Sa bilang na iyon, 5,953 ang gumaling na habang 733 ang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.