PatrolPH

Pangamba ng San Lazaro Hospital: lepto at dengue patients magsisiksikan

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2019 08:24 PM

Watch more on iWantTFC

Sa madalas na pag-ulan, nangangamba ang pamunuan ng San Lazaro Hospital sa Maynila na magkasabay ang pagdating ng mga pasyenteng may dengue at leptospirosis. 

Kasabay ito ng pagpasok ng tag-ulan at pagbabaha, na karaniwang dahilan ng leptospirosis. 

Ayon sa ospital, aabot sa 115 dengue patients ang nasa ospital at umaapaw na sa pasilyo ang ilan sa kanila. 

Pero nagsisimula na raw sumugod sa ospital ang mga may leptospirosis. 

Ayon kay San Lazaro Hospital spokesperson Dr. Ferdinand De Guzman, plano nilang ilagay sa magkalapit na ward ang magkakaroon ng mga naturang sakit. 

"Itong dalawang sakit kaya natin ilagay sila sa isang ward na magkalapit. Hindi siya airborne so sa isang ward puwede pong nandoon ang dalawang sakit," ayon sa doktor.

Kabilang sa dinala na sa ospital ang 15 anyos na pamangkin ni Jovelyn Dela Paz. Akala niya raw noon na dengue ang naging sakit nito, pero sa ospital na niya nalaman na leptospirosis ang sakit ng binatilyo. 

"Nakakatakot, nakakapraning. Lahat na lang, hindi ako makatulog kasi naiisip ko na baka ikamatay niya 'yung sakit na 'yan. Dinala agad namin siya dito, wala nang atubili para mabigyan siya agad ng gamot," ani Dela Paz. 

Ayon sa San Lazaro Hospital, karaniwang matatanda ang tinatamaan ng sakit dahil sila raw ang lumalabas kahit baha. 

Mas dapat daw mabahala kung sa mas murang edad magkakaroon ng naturang sakit. 

"This would mean a lifetime of taking care of the kidneys at a very young age. Kidneys and atay. Kaya advise namin 'pag bata ang nagka-'lepto' [leptospirosis] to take care of themselves lalo na when they grow up," ani De Guzman. 

Kabilang din sa mga pasyente si Alona Gumarang, na tumulong lang sa paglilinis ng bahay ng kaibigan sa kasagsagan ng ulan. 

Pero payo ni De Guzman, hindi dapat ginagawa ang paglilinis kung kailan may banta na ng baha. 

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.