Lalaki ginulpi matapos pagbintangang nagnakaw ng relo na 'na-misplace' pala

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2019 05:28 PM

Gulpi ang inabot ng isang lalaki sa Marilao, Bulacan noong Lunes matapos siyang pagbintangang nagnakaw ng relo, na natuklasang na-misplace lang pala ng isa sa mga suspek sa pambubugbog sa kanya.

Sa kuha ng CCTV ng subdivision kung saan nangyari ang insidente, makikita na sinundan ng 3 lalaki at 1 babae ang biktimang si alyas "Mario," 23 anyos.

Pauwi na si Mario mula sa inuman, pero sinundan siya ng 4 suspek na natuklasang mga menor de edad pala.

Ilang saglit lang, kitang pinagsusuntok at tinadyakan na si Mario ng mga bata hanggang sa mapatumba ito.

Natigil lang ang gulo nang dumating ang 2 security guard at sinita ang mga batang suspek.

Ayon sa ina ng biktima, napagbintangang magnanakaw ang kaniyang anak kaya siya kinuyog.

"Iyung relo daw nu'ng tomboy na kasama nila ay nawawala. Napagbintangan po... Matapos na nilang bugbugin 'yung anak ko, humihingi sila ng dispensa [kasi] 'yung relo raw na-misplace niya lang," ani alyas "Vangie."

Desidido naman si Vangie na kasuhan ang mga suspek.

"Hindi porke't sabihin na menor de edad 'yung anak nila eh wala nang dapat na ikaso sa kanila," giit ni Vangie.

Nakatakdang pagharapin ng barangay ang mga kampo.

Sa ngayon ay nagpapagaling pa si Mario mula sa tinamong pasa, bukol, at sugat mula sa pambubugbog.


—Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.