Iba't ibang obra alay bilang pagpaalam, pasasalamat kay Gina Lopez

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2019 08:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa sining idinaan ng ilang natulungan ni Gina Lopez ang pamamaalam sa yumaong enviornmentalist at pilantropo. 

Namatay ang pinuno ng ABS-CBN Foundation sa edad na 65 dahil sa multiple organ failure. 

Sa General Santos City, nagbigay-pugay ang digital artist na si Marthin Anthony Millado, na may dugong B'laan. 

Pasasalamat aniya ang kanyang gawa kay Lopez na nagsilbing tagapagtanggol ng mga katutubo. 

"[I am] so inspired with her passion and her commitment to preserving the environment," ani Millado. 

May iba ring nagsulat ng maiikling mensahe sa isang dedication board na nakalaan sa mga nais magpaalam kay Lopez. 

Nag-alay ng mga bulaklak na gawa sa beads si Premrose Joven, na apat sa anim na anak ang may brittle bone disease. Gawa ng kaniyang mga anak ang mga palamuti. 

Ayon kay Joven, malaking tulong ang nagawa ng ABS-CBN Foundation sa pagbangon ng kanilang pamilya. 

"Inspirasyon po siya sa katulad naming walang-wala. Nagpapasalamat po ako sa kaniya nang sobra," maluhang wika ni Joven. 

Idinaan ng ilan sa pagguhit at pagpinta ang pamamaalam kay Lopez. 

TULONG NA PANGHABAMBUHAY 

Maluha-luha namang nagpasalamat si "Nadine" sa pag-asikaso ni Lopez sa nangyaring panggagahasa sa 4 anyos na apo niya. 

Sa loob ng 10 taon, hindi raw binitawan ni Lopez ang kaso para mabigyan sila ng hustisya. 

Tatlong taon namang naging cook ni Lopez si Myrna Ulanday. Saglit lang daw kung tutuusin, pero panghabambuhay na raw ang tulong na inabot sa kaniya ni Lopez at mga alaalang iniwan sa kaniya. 

Suportado naman ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang panawagan ng mga environmental groups na ipangalan kay Lopez ang La Mesa Eco Park bilang pag-alaala. 

"Her legacy deserves to live on in that park," ani Belmonte. 

-- Ulat nina Jeff Canoy at Jay Dayupay, ABS-CBN News. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.