Cash, scholarship handog sa empleyado ng gasolinahan na nagsauli ng P200k

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2019 04:06 PM | Updated as of Aug 23 2019 04:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nagtila hulog ng langit para sa isang empleyado ng gasolinahan sa Davao City ang pagsauli ng napulot niyang bag na naglalaman ng higit P200,000.

Ito ay matapos na mabigyan ng pabuya si Abigail Degamo dahil sa kaniyang katapatan.

"Nag-advice na rin ang admin kung ano ang additional rewards namin na ibibigay kay Abigail," ayon kay Cheryl Apilan, staff ng Student Affairs Office ng Davao Merchant Marine Academy College of Southern Philippines.

Nahulog mula sa sinakyang tricycle ang bag na dala ni Apilan.

Pinulot ito ni Degamo sa gitna ng kalsada sa harap ng kanilang gasolinahan sa Tigatto Road, Barangay Buhangin sa Davao City.

Laking gulat niya nang makitang puno ito ng pera.

"Inisip ko lang na hindi para sa akin 'yun at hindi akin 'yun kasi malaking halaga din 'yun at ang hirap kayang gumastos ng hindi sa iyo," sabi ni Degamo.

Matapos na ipanawagan sa radyo, pumunta sa istasyon ng ABS-CBN si Apilan at pinatunayan na sa kaniya ang pera na gagamitin umano para sa intramurals ng paaralan.

Laking pasalamat ni Apilan na isang mabuting tao ang nakapulot ng kaniyang bag.

"Answered prayer talaga," aniya.

Sa panayam sa DZMM Biyernes ng umaga, sinabi ni Apilan na magbibigay ng karagdagang cash reward ang paaralan para kay Degamo.

Bukod dito, may dagdag pang biyaya ang eskuwelahan para kay Degamo na isang alternative learning system (ALS) graduate.

"Ini-invite po namin si Abigail either tonight po or tomorrow during our awarding ceremony kasi bibigyan namin siya ng certificate of appreciation and ibibigay namin sa kaniya 'yung proposal ng administrator namin na 4-year scholarship sa college niya," sabi ni Apilan.

Para kay Degamo, hindi pinalalampas ang ganitong pagkakataon.

"I-grab na 'yan matagal ko nang gustong makapagtapos ng pag-aaral," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.