Animal cruelty: Aso patay sa saksak umano ng pulis na natalo sa mahjong

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2019 05:42 PM | Updated as of Aug 23 2019 05:58 PM

Duguan at wala nang buhay ang alagang asong si Gabriela matapos pagsasaksakin umano ng isang pulis sa Davao City. Larawan hango sa video ng Pet Avenue

DAVAO CITY - Hindi na naisalba pa ng isang lalaki ang alagang aso na namatay matapos pagsasaksakin umano ng isang pulis.

Sinasabing napagbuntunan ng galit ng pulis ang aso matapos itong matalo sa mahjong.

Base sa blotter ng San Pedro Police, sinabi ni Noel Abanales na nangyari ang insidente noong Agosto 13 ng gabi. 

Nasa lamay umano siya ng kapitbahay sa Purok 1, Barangay 2-A Magallanes nang bigla na lang sinaksak ng pulis ang aso.

Sinubukan pa ni Abanales na sagipin ang aso na pinangalanang Gabriela at dinala sa veterinary clinic, ngunit namatay rin ang alaga.

Pinuntahan ng news team ang bahay ni Abanales ngunit wala siya sa lugar.

Napag-alamang kawani ng Police Security Protection Group (PSPG) ang pulis na nakatalaga sa Davao City pero wala ito at ang kaniyang hepe nang puntahan ng news team ang opisina.

Ayon sa Davao City Police Office, wala pang isinampang kaso laban sa pulis dahil wala pang saksi sa insidente.

"We need affidavit or the statements coming from the witnesses to support our criminal or administrative complaint," sabi ni DCPO Chief Col. Alexander Tagum.

Samantala, kinondena ng grupong Animal Rescue Rehabilitation and Fostering (ARRF) ang sinapit ng aso at nanawagan na maparusahan ang pulis.

Ngayong taon, hindi bababa sa 50 hayop ang nasagip ng ARRF na inabandona ng mga may-ari at nakaranas ng pang-aabuso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.