2 sundalo, 2 NPA patay sa bakbakan sa Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2019 10:29 PM

Dalawang sundalo ang napatay sa bakbakan ng militar at mga hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) sa lungsod ng Calbayog sa Samar nitong Biyernes.

Ayon sa 8th Infantry Division (8ID) ng Philippine Army, armadong dumating sa Barangay Olera at nanghingi ng pera at pagkain sa mga residente ang isang grupo na pinamumunuan ng isang alyas "Badok."

Naabutan ang mga ito ng militar bago natuloy sa palitan ng putok.

Umabot sa dalawang oras ang bakbakan, na ikinamatay ng dalawang sundalo. Namatay din umano ang dalawang hinihinalang miyembro ng NPA.

Ayon sa 8ID, sugatan din ang mga nakatakbong kasamahan ng mga rebelde.

Nakuha naman ng militar mula sa lugar ang dalawang M14 na armas.

Nakipagtulungan na sa pulisya ang militar para sa pagkakakilanlan ng mga napatay na rebelde.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.