Mga kaalyado ni Sereno sa Kamara, 'rumesbak' vs 'quo warranto justices'

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2018 07:36 PM

Niresbakan ng mga kakampi sa Kamara ni ex-Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang mga mahistrado sa Korte Suprema na nagpatalsik sa kaniya sa puwesto sa pamamagitan ng boto sa quo warranto petition.

Itinuloy na nitong Huwebes nina Representatives Edcel Lagman, Tom Villarin, Gary Alejano, at Teddy Baguilat ang dati pa nilang plano na maghain ng impeachment complaint laban kina Supreme Court (SC) Associate Justices Teresita de Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Andres Reyes, Francis Jardeleza, Noel Tijam, at Alexander Gesmundo.

Reklamong culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust ang hinaharap ng pitong mahistrado na pumabor sa quo warranto petition. 

Tanging si dating SC Associate Justice Samuel Martires lang ang hindi nadamay dahil naitalaga na siya bilang bagong Ombudsman.

Ayon sa mga nagsampa ng impeachment, wala raw basehan sa Saligang Batas ang hatol kay Sereno dahil maliwanag na sa impeachment sa Kongreso lang puwede mapatalsik ang isang chief justice.

Naniniwala si Lagman na may motibo ang mga mahistrado na patalsikin si Sereno para magkatiyansa silang maging pinuno ng hudikatura.

"With the removal of Sereno, a vacancy was created in the position of chief justice. These justices were expected to vie for said position as in fact they are," aniya. 

Dagdag ni Lagman, ngayong may reklamo na sila ay hindi na puwedeng isali ng Judicial and Bar Council (JBC) sina De Castro, Bersamin, Reyes, at Peralta sa pilian ng susunod na chief justice. 

"That is very clear in the rules of the JBC that the pendency of a criminal or administrative [case] against an applicant must disqualify [him/her] from any nomination or appointment to a position in the judiciary," ani Lagman. 

Pero kinontra ni JBC member at Justice Secretary Menardo Guevarra ang opinyon nina Lagman.

"In my personal opinion, the mere filing of an impeachment complaint, which is not the same as a criminal or administrative complaint in the ordinary sense, will not have any effect on the nomination of the four justices for the CJ position,” saad ng JBC member.

Mayo 11 nang katigan ng SC ang petisyon ng Office of the Solicitor General at ipinag-utos na lisanin ni Sereno ang pagka-chief justice.

—Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.