'Magnanakaw' timbog matapos paputukan ng may-ari ng bahay

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2018 06:00 PM

Naaresto ang isang lalaki sa Dasmariñas, Cavite matapos siyang paputukan ng baril ng may-ari ng bahay na nilooban niya noong Martes. 

Inabangan ni Mario Maligad ang umano'y akyat-bahay sa unang palapag habang pababa ito ng hagdan.

Natunugan ng may-ari ng bahay ang "magnanakaw" matapos makita ito sa surveillance camera. Screenshot

Nang makababa, inilawan ni Maligad ang lalaki at pinaputukan ng baril.

Sinubukan pa ng lalaki na tagain si Maligad pero nakaiwas ito at muling nagpaputok ng baril.

Nagtago sa isang sulok ng bahay ang magnanakaw at doon nakorner ni Maligad at ng mga guwardiya ng subdivision.

Natunugan ni Maligad ang lalaki at nakahingi ng tulong sa mga guwardiya matapos makita ito sa surveillance camera ng bahay.

Ayon kay Maligad—na isang senior jail officer sa Bureau of Jail Management and Penology—sinadya niyang hindi tamaan ang lalaki at takutin lamang ito sa pamamagitan ng warning shot.

Nahaharap sa kasong attempted homicide at attempted robbery ang lalaki.

—Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.