Ilang drug surrenderees sa Batangas, sumalang sa disaster response training

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2018 03:13 AM

Contributed photo

BATANGAS - Sumailalim sa disaster response at basic life support training ang ilang drug surrenderees at barangay officials sa Talisay, Batangas.

Kabilang dito si alyas Ronald, 20-anyos, na dating lulong sa ipinagbabawal na gamot.

"Sa haba ng panahon, gusto mo rin magbago para sa mga anak at pamilya," aniya.

Ang training ay ikinasa ng Philippine National Police (PNP) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Isa sa mga nag-train ay ang survival expert na si Dr. Ted Esguerra ng programang "Red Alert" ng ABS-CBN.

"Ang ating mga drug surrenderees ay maturuan ng disaster response na 'pag bumalik sa komunidad at sa family meron silang bagong silbi," aniya.

Meron ding bukod na pagsasanay para sa mga pulis.

Samantala, nagkaroon naman ng pagsasalo-salo na layong makabuo ng koneksiyon sa mga kalahok at pagpapahalaga sa sarili.

"Minsan 'pag bumabalik 'yung isang taong may masamang buhay sa pamilya o sa komunidad, hindi maiiwasan 'yung bias... Ang una munang ingredient ay turuan mo 'yung tao maibalik ang self-worth," ani Esguerra. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.