PatrolPH

2 Bantay Dagat sugatan sa pamamaril ng mga 'ilegal' na mangingisda

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2018 04:18 PM

2 Bantay Dagat sugatan sa pamamaril ng mga 'ilegal' na mangingisda 1
Pinagbabaril ng mga umano'y ilegal na mangingisda ang dalawang Bantay Dagat -- mga sibilyan -- na nagpapatrolya sa karagatan ng Mercedes. Kuha ng Camarines Norte Police Station

MERCEDES, Camarines Norte — Patuloy na nagpapagaling sa Camarines Norte Provincial Hospital ang dalawang miyembro ng Bantay Dagat, mga sibilyan na nagpapatrolya ng karagatan, ng Mercedes matapos magtamo ng tig-isang tama ng bala sa katawan.

Kinilala ang mga biktima na sina Albert Alvarado at volunteer na si Eddie Eustaquio. 

Kuwento ni Alvarado, Martes nang hinabol nila ang pinaniniwalaang mga ilegal na mangingisda. 

"Meron kaming hinabol na ilegalista na buli-buli o tinatawag na hulbot-hulbot. Nung malapit na kami sa kanila, bigla kaming pinaputukan," ani Alvarado.

Ayon sa Camarines Norte police, tiyempong walang kasamang pulis ang Bantay Dagat nang sila ay magpatrolya.

Ito daw ang pinakaunang insidente ng malapiratang pamamaril ng mga ilegal na mangingisda sa Bantay Dagat.

Sa ngayon, patuloy na inaalam ng pulisya kung sino ang nasa likod ng pamamaril.

—Ulat ni Mylce Mella, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.