'Singil sa kuryente, remittance, nakaambang tumaas dahil sa tax reform'

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2017 06:45 PM | Updated as of Aug 24 2017 12:20 AM

Posible umanong tumaas ang singil sa kuryente at ang singil sa pagpapadala ng pera kung tutuluyan ang plano na pagbayarin na rin ng VAT ang mga government-owned and controlled corporation (GOCC) o mga korporasyong pinatatakbo ng gobyerno. 

Kapag tinanggal ang value-added tax (VAT) exemption sa mga GOCC, gaya ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), maaari nilang ipasa sa mga konsumer ang dagdag na buwis. Ang NGCP ay ang dinadaanang 'power highway' mula sa mga gumagawa ng kuryente (generation) patungo sa mga nagpapamahagi (distribution) nito. 

Sa tantiya ng NGCP, tataas nang mahigit P6 ang mga bill sa kuryente na nagkakahalagang P1,000 ngayon. 

Posibleng tumaas din ang halaga ng kuryenteng mula sa 'coal' o uling dahil papatawan na rin ng VAT ang coal production. 

Maaari ring tumaas ang halaga ng remittance fees, ngunit nilinaw ng Finance department na ang service fee lang, o ang mismong serbisyo, ang papatawan ng buwis. 

"If you send P5,000, conduit charges you P100. VATable amount is P100. Actual amount is exempt," paliwanag ni Finance Undersecretary Karl Chua. 

Sa Huwebes tatalakayin ng Senado ang pagbubuwis sa mga inuming may asukal o ang pagpataw ng 'sugar-sweetened beverage tax'.

Ipinapanukalang patawan ng P10 excise tax kada litro ang mga sugary drinks. 

Target ng Senate ways and means committee na matapos ang ulat nila sa panukalang buwis sa unang linggo ng Setyembre. 

-- Ulat ni Michelle Ong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.