Sari-saring sektor, kinondena ang pagpatay kay Kian

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2017 09:16 PM | Updated as of Aug 24 2017 12:31 AM

Nakakuha ng malawakang pagkondena mula sa iba't ibang sektor ng lipunan ang pagpatay kay Kian Loyd delos Santos, ang 17 anyos na nasawi sa pagkakasangkot sa 'Oplan Galugad' ng pulisya sa Caloocan City noong nakaraang linggo.

Nagkilos-protesta ang mga lumad na galing sa Mindanao sa harap ng police regional office ng Central Visayas para kondenahin ang pagkamatay. 

Sakto ring nandoon sa loob ng kampo si Philippine National Police chief Director-General Ronald dela Rosa bilang panauhing pandangal na magbibigay-pugay sa mga pulis na nasugatan sa kampanya kontra droga. 

Aminado si dela Rosa na mababa ang morale ng mga pulis kasunod ng nangyari, pero magpapatuloy umano ang kanilang kampanya at hindi puwedeng manghina ang mga pulis. 

"We can't afford to slow down, no time to relax on our victories, we need to be vigilant," ani dela Rosa. 

Salungat naman ang opinyon ng hepe ng pulisya sa Central Visayas na kaisa sa panawagang maghinay-hinay ang mga pulis sa kanilang operasyon.

Nagpahayag din ng pagkontra sa nangyayaring madugong 'war on drugs' ng pamahalaan ang ilang parokya sa bansa tulad ng archdiocese ng Lingayen, Pangasinan.

Kumalembang din ang mga kampana sa Saint John Cathedral sa Dagupan bilang hudyat ng umpisa ng tatlong buwang pagtunog ng batingaw at pag-alay ng panalangin para sa mga biktima ng umano'y extrajudicial killings (EJK) at iba pang karahasan.

Umalingawgaw ang kampana ng Saint Jude Thaddeus parish sa Naga na magtatagal naman ng isang buwan. Nag-udyok din sa kanila ang pagkakapatay ng mga pulis kay delos Santos.

Tumunog din ang kampana ng Immaculate Conception Cathedral sa Cubao bilang pagkondena sa mga namamatay sa (EJK).

Bukod sa mga simbahan, nakidalamhati rin si United States Ambassador Sung Kim sa pamilya ni delos Santos na umaasang may mananagot sa isinasagawang imbestigasyon.

Nababahala rin ang United Nations Children's Fund dahil may mga batang nadadamay. Hiling nila ang isang patas na imbestigasyon.

Para naman kay Defense Secretary Delfin Lorenzana hindi kailangang mamatay sa ganoong paraan ni delos Santos.

May mga nagtirik din ng kandila sa Baguio City.

Nagbanta ang ilang mambabatas na maaapektuhan ang budget ng Philippine National Police at Department of Interior and Local Government sa nangyari kay delos Santos.

Para naman sa ilang political analyst, kailangang ingatan ng pangulo ang paghawak sa kasong ito.

Kaisa naman ang Malacañang sa panawagang maging patas ang imbestigasyon at managot ang mga responsable sa pagkamatay ng binatilyo.

--Ulat ni Annie Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.