Mga may 'tara' sa Customs, pinangalanan ni Lacson

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2017 07:29 PM

Pinangalanan ni Senador Panfilo Lacson sa kanyang privilege speech ngayong Miyerkoles ng hapon ang mga opisyal na nakikinabang umano sa payola sa Bureau of Customs. 

Una sa listahan ng senador ng mga tumatanggap umano ng payola sina dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon, Deputy Commissioner Gerardo Gambala ng Command Center, Director Neil Estrella ng Customs Intelligence and Investigation Service, at pati si Director Milo Maestrecampo ng Import and Assessment Service.

Apatnapu't apat na 'players' ang nasa listahan ng senador na siyang nagbibigay umano ng suhol sa Customs. 

Dalawampu't isa naman ang pinangalanang kolektor o mga 'bagmen'.

Malinaw aniyang mayroong 'mafia' sa BOC na walang takot sa gobyerno at sa pangulo dahil sa umano'y malalaking shipment na nai-smuggle. 

"Everybody knows, at the Bureau of Customs, it's 'everybody happy'. They have this so called 'payday' Friday / TGIF / Friday-three o'clock-habit, or whatever day of the week and hour of the day they now choose to make themselves happy, and yes - filthy rich," ayon kay Lacson.

Ayon pa sa senador, may kita na ang isang opisyal ng BOC pagkapasok pa lamang nito. Nasa P100 milyon umano ang pasalubong sa bagong talagang commissioner kung saan ang P25 milyon ay nagsisilbing 'finder's fee' ng middle man ng isang 'Joel Teves'.

Sa pagkakatalaga kay dating Philippine Drug Enforcement Agency Chief Isidro Lapeñas bilang bagong Customs commissioner, umaasa si Lacson na hindi ito magagaya sa mga naunang opisyal ng Customs.

Itinanggi naman ni Faeldon na tumatanggap siya ng 'tara' at iginiit na wala siyang ginawang ano mang uri ng korapsiyon sa maraming taon niya sa gobyerno. 

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.