Mga kontrabando sa Davao City Jail, ipinasira

Berchan Angchay, ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2017 03:31 PM

DAVAO CITY - Ipinasira Miyerkoles ng mga opisyal ng Davao City Jail ang mga kontrabandong nakumpiska sa mga preso mula ng magsimula ang pag-galugad sa mga selda noong nakaraang taon.

Mga cellphone, sigarilyo, lighter, DVD player at ilan pang mga appliances na ipinuslit ng mga bisita papasok sa piitan ang pinagulungan sa isang maliit na pison.

Ayon kay Senior Supt. Amelia Rayandayan, direktor ng Bureau of Jail Management and Penology ng Davao Region, mas paiigtingin pa ang inspeksyon at pagbabantay laban sa pagpasok ng mga kontrabando sa kulungan upang masiguro ang kaligtasan ng mga pulis at mga preso.

"We really mean business this time," ani Rayandayan.

Ayon kay Rayandayan, tanging mga malalapit na kamag-anak na lamang ang pinapayagang bumisita sa mga nakakulong.

Ang mga bisitang hindi kamag-anak ay kailangan magpakita ng "legal guardian authorization letter" na magpapatunay ng kung ano ang kanilang relasyon sa bibisitahing bilanggo, dagdag ni Rayandayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.