Mga bilanggo, nag-ayuno para makatulong sa Marawi evacuees

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2017 10:20 PM

Nakalikom ang Agusan del Norte Provincial Jail ng mahigit P30,000, kasama ang barya-baryang donasyon ng mga bilanggo at ilang empleyado. May Diez, ABS-CBN News

BUTUAN CITY - Isinakripisyo ng mga inmates sa Agusan del Norte Provincial Jail ang kanilang pananghalian sa loob ng tatlong linggo para sa inilusad na "Fasting for a Cause."

Simula Agosto 2, tuwing Miyerkoles at Sabado, ay walang pananghalian ang mahigit 300 bilanggo para ibigay ang pondo sa kanilang pagkain sa mga nabiktima ng bakbakan sa Marawi City.

Ayon sa isang preso, kusang-loob at hindi sila pinilit para sa "Fasting for a Cause." Gusto nilang ipakita na kahit sa maliit lang na paraan ay makatulong sila sa mga biktima ng bakbakan sa Marawi City.

Ayon sa Warden na si Fermin Antenorio, nagkaisa sila na isagawa ang Fasting for a Cause matapos niya itong imungkahi sa mga preso. 

Nilinaw nito na wala ni isa sa mga inmates ang tumutol kaya't matagumpay itong naisagawa sa pamamagitan ng pag-alalay ng Volunteer in Prison Service ng Diocese of Butuan.

Mula sa natipid na budget para sa pananghalian, nakalikom ang Agusan del Norte Provincial Jail ng mahigit P30,000, kasama ang barya-baryang donasyon ng mga bilanggo at ilang empleyado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.