Mag-asawa, natagpuang patay sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2017 11:03 PM

Ilang metro lang ang layo sa kanilang bahay, natagpuang nakahandusay ang magsasakang si Panfilo Taguba at ang kanyang asawang si Gloria Taguba.

ISABELA - Natagpuang patay ang isang mag-asawa sa Cauayan City, Isabela nitong Miyerkoles ng umaga.

Ilang metro lang ang layo sa kanilang bahay, natagpuang nakahandusay ang magsasakang si Panfilo Taguba, 59 taong gulang, at ang kanyang asawang si Gloria, 55 taong gulang.

Nadiskubre silang patay ni Mirasol Morales na makikipitas lang sana ng gulay sa mag-asawa.

“Paglingon ko, sila nang dalawang mag-asawa. Nagulat kami at tumakbo,” kwento pa ni Morales.

Ayon kay Morales, may mga sugat sa katawan ang mag-asawa na suspetsa nila ay mga tama ng bala.

Huling nakitang buhay ang mag-asawa noong Martes ng gabi. 

Nakinood umano sila ng telebisyon sa bahay ni Jovelyn Cortes. Agad din daw umuwi ang mga ito matapos ang pinanood na programa.

Kwento pa nina Cortez, may narinig silang kakaibang ingay pero hindi niya inakalang putok ito ng baril.

“Hindi ko akalain na putok ng baril. Akala ko lang may nambabato. Kasi nga may mga nagkakantahan din nang gabi iyon. Pinapatay ko yung TV para marinig. Yun pala putok na ng baril,” ani Cortes.

Palaisipan naman sa kaanak ng mag-asawa ang dahilan ng pagpatay. Ayon pa sa kapatid ng lalaking biktima, wala naman daw itong nakukwentong kaaway nilang mag-asawa.

Labing anim na taon nang naninirahan ang mag-asawa Taguba sa Barangay Villa Concepcion, Cauayan City. Ikinabubuhay nila ang pagtatanim ng mais at gulay.

Sa ngayon, inaalam pa ng pulisya ang motibo ng pagpatay sa mag-asawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.