House-to-house drug test sa Payatas, walang pilitan: QCPD

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2017 09:57 AM | Updated as of Aug 23 2017 12:51 PM

MANILA - Nilinaw ng Quezon City Police District (QCPD) Miyerkoles na hindi nila pinipilit ang mga residente na sumalang sa drug test na isinasagawa ng mga pulis at opisyal ng barangay na nagbabahay-bahay sa Payatas.

"Wala pong pilitan ito. Kung ayaw nila, hindi naman sila mag-undergo ng drug test," ani QCPD chief Senior Supt. Guillermo Eleazar sa panayam ng DZMM.

Una nang inulat ng independent media organization na "Vera Files" na pinupuntahan ng mga pulis ang mga residente ng Payatas sa kanilang mga bahay at hiningan ng sample ng ihi upang malaman kung gumamit sila ng shabu o marijuana sa nakaraang 7 araw.

Karaniwang may pangalang hinahanap ang mga pulis sa mga bahay na pinupuntahan. Pero kapag wala ang taong pakay, ipinapasailalim na lang nila sa drug test ang mga naaabutang kaanak nito sa bahay.

Isinasailalim sa mga livelihood program at drug rehabilitation ang mga nagpopositibo sa drug test, ani Eleazar.


 
Inalmahan naman ng Commission on Human Rights (CHR) ang naturang aktibidad na anila'y lumalabag sa karapatang maging pribado.

Kahit anila boluntaryo ang pagpapa-drug test, dapat itong magkaroon ng mga panuntunan sa halip na basta-basta lang kinakatok ang mga residente sa kanilang mga bahay.

Nangako si Eleazar na pupulungin niya ang mga kaukulang opisyal upang i-review ang house-to-house drug testing.

"Mamaya po, I will discuss this with the concerned officials para gawin na lang po nila na kung napakalaki po ng barangay, by purok na lang magsagawa ng libreng drug test," sabi ng pulis.

Nasa 1,000 residente na ang napa-drug test sa Payatas mula nitong Hunyo hanggang unang linggo ng Agosto, ayon sa tala ng QCPD Station 6.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.