Armadong lalaking pumasok sa kumbento, arestado

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2017 10:48 PM

MISAMIS ORIENTAL - Kinasuhan ng serious illegal detention ang isang lalaki matapos nitong pasukin ang kumbento ng pari sa bayan ng Naawan, Misamis Oriental habang may dalang armas.

Pinalibutan ng mga pulis at sundalo ang San Isidro Labrador Parish Miyerkoles ng umaga.

Kasama ng armadong lalaki ang paring si Father Ronidon Valmoria.

Ayon sa isa sa mga nakaabang na sibilyan sa labas ng simbahan, pamangkin niya ang lalaking armado. Tumawid lamang umano ito mula sa istasyon ng pulis.

Lumabas din kinalaunan ang lalaki na kinilalang si Lovernton Ruedas matapos siyang sunduin ng kaibigang pulis na si Senior Inspector Dexter Ceniza.

Matapos ang insidente ay kinuhanan na ito ng mug shot at inimbestigahan.

Kinasuhan siya ng serious illegal detention kahit itinanggi ni Valmopria na hinostage siya ni Ruedas.

Ayon kay Valmoria, narinig niyang pinaputukan ng tatlong beses si Ruedas kaya pumasok ito sa kumbento at humingi ng tulong.

Hindi umano siya nagdalawang-isip na tulungan ito dahil gitarista ito sa simbahan.

Dagdag pa ni Valmoria, siya ang nagsabi kay Ruedas na huwag lumabas hangga't hindi nakakasiguro sa kanyang kaligtasan.

Nagkagirian umano ang mga pulis at si Ruedas matapos nitong mag-usisa sa estasyon tungkol sa pagkakasali ng pinsan nito sa listahan ng Oplan Tokhang.

Ayon naman kay Governor Bambi Emano, iniimbestigahan pa kung "asset" si Ruedas, gayundin ang uman'y pagbunot nito ng baril sa loob ng istasyon.

Isinuko rin ni Valmoria ang baril na kinuha niya kay Ruedas habang sila ay nasa loob ng kumbento.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.