4 na bahay sa Batangas, natupok

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2017 09:58 PM | Updated as of Aug 24 2017 11:43 PM

Isang kubo ang kabilang sa apat na bahay na natupok sa Batangas City, Martes ng gabi. Retrato mula kay Mel Wagan.

Natupok ang apat na bahay sa Barangay Kwatro, Batangas City nitong Martes ng gabi.

Patuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa pinagmulan ng apoy, pero pinaghihinalaang nagmula ito sa appliance o gadget na naiwang nakasaksak.

“Doon siya naka-erect sa dike ng Calumpang River so parang tambayan yun. Ang statement nitong si Mabini Dimaruco, andun 'yung pamangkin niya then nagcha-charge ng cellphone at the same time pinipilit paganahin iyung ceiling fan nung kubo and ayon din sa statement niya, iyung electric fan na iyun is matagal nang sira,” ani F01 Christian Camo ng BFP-Batangas City.

Humingi ng tulong ang nasunugan na si William Lisiguez.

“Sana’y makahingi po kami ng tulong sa mga taong bayan po na kahit papaano po ay maibalik po naming ang aming bahay,” ani Lisiguez.

Umabot ng ikalawang alarma ang sunog. Nagdeklara ng fire out ang BFP 15 minuto matapos sumiklab ang apoy.

Walang naitalang nasawi o nasugatan sa sunog. 

Tinatayang nasa P200,000 ang halaga ng naging pinsala ng sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.