35,000 tao sa Region 10, Pebrero pa walang 4Ps cash

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2017 07:01 PM

Higit 35,000 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Region 10 ang hindi pa nakatatanggap ng cash assistance mula pa noong Pebrero dahil naantala ang bangko sa pamamahagi nito, at bunsod na rin ng problema sa computer system.

Apektado ng naantalang pagbibigay ng cash grant ang 21 lugar sa rehiyon, kabilang ang mga sumusunod:

Camiguin
- Catarman;
- Guinsiliban;
- Mahinog;
- Mambajao;
- Sagay;

 Bukidnon
- Kitaotao;
- Cabanglasan;
- Libona;
- Malitbog;

Misamis Oriental
- Alubijid;
- Balingoan;
- El Salvador City;
- Claveria;
- Gitagum;
- Initao;
- Kinoguitan;
- Libertad;
- Lugait;
- Manticao;
- Naawan;
- Sugbongcogon.

Aabot na sa higit P100 milyon ang kailangan i-release para sa 4Ps.

Ang Region 10 o Northern Mindanao ay binubuo ng mga probinsiya ng Bukidnon, Camiguin, Lanao del Norte, Misamis Occidental at Misamis Oriental. Narito rin ang Cagayan de Oro City at Iligan City, at 7 pang siyudad. Nasa 4.6 milyon ang populasyon dito nitong 2015, ayon sa Philippine Statistics Authority. 

Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), nasa Landbank na sana ang pondo para sa lahat ng 4Ps beneficiaries pero naantala ito sa paghahanap ng partner na cooperative o rural bank na siyang mamamahagi ng cash grants sa mga benepisyaryo.

Paliwanag ni DSWD 10 Regional Director Nestor Ramos, mayroong mga cooperative na hindi pumapayag na maging partner dahil sa pangamba sa seguridad dahil sila mismo ang pupunta sa lugar para mamahagi ng pera.

Matapos naman makahanap ng partner ang Landbank, nagkaproblema ang bangko at kooperatiba sa kanilang computer system.

Hindi pa alam ng DSWD kung kailan maaayos ang technical problem kaya wala pang kasiguruhan kung kailan matatanggap ng mga benepisyaryo ang kanilang cash assistance mula sa gobyerno.

Aminado rin ang DSWD na ilang beses nang naantala ang pamamahagi ng cash grants sa mga 4Ps beneficiaries.

Mga over-the-counter payout lang ang apektado sa pagkaantala ng release at maaari pa ring makuha ang pera ng beneficiaries na mayroong 4Ps cash cards sa pamamagitan ng pagwi-withdraw sa ATM.

Sa 270,000 na 4Ps beneficiaries sa rehiyon, nasa 40 porsiyento lang ang mayroong cash card.

-- Ulat ni Rod Bolivar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.