3 patay sa magkakahiwalay na pamamaril sa QC

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2017 09:19 PM

Tatlo ang patay sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril sa Quezon City.

Dating opisyal ng barangay, patay sa harap ng barangay hall

Pinagbabaril ang dating opisyal ng Barangay Batasan sa harap mismo ng barangay hall nitong Miyerkoles.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang lalaking kinilalang si Toto Medina na nasa loob ng barangay hall ng Batasan Hills, sa Quezon City. 

Nagaganap sa lugar ang hearing hinggil sa inirereklamo niyang singilin sa pautang.

Paglabas ni Medina, doon na siya tinambangan.

Isinugod siya sa ospital pero namatay din dahil sa dami ng tama ng bala. 

Ikinagulat ng mga opisyal ng barangay ang pangyayari dahil maraming tao sa paligid ng barangay hall.

Ayon pa sa barangay, tungkol sa paupahang lupa ang hearing ni Medina pero may nauna na siyang kaso ng pananampal umano sa isang babae. 

Miyembro ng barangay traffic, binaril ng riding-in-tandem

Dead on the spot naman ang miyembro ng barangay traffic na si Teogenes Mendez nang pagbabarilin ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo sa Barangay Pasong Putik sa Fairview, Quezon City.

Naghatid lang ng anak sa eskuwelahan ang biktima nang barilin.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, tatlong buwan pa lang sa kanila ang biktima.

Lalaki, patay sa naka-hoodie jacket

Samantala, nakita pa sa video habang nagwawalis si alyas Renold Tangkad sa kanilang lugar sa Rosal street sa Payatas nang biglang pagbabarilin ng isang lalaking nakasuot ng hoodie nitong Lunes.

Tinamaan din ng ligaw na bala ang dalawang menor de edad na 15 at 13 anyos. 

Mabilis na tumakas ang lalaki matapos ang pamamaril. 

Ayon sa datos na inilabas ng QCPD, 491 na ang bilang ng napatay na mga kaso ng homicide under investigation o kaso ng pagpatay sa Quezon City nitong nakalipas na isang taon.

Kaugnay ng isyu sa ilegal na droga ang 136 habang 151 ang pinagsususpetsahang drug-related.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.