Pamilya ng pedicab driver na nasawi sa Pasay, magsasampa ng kaso

Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2016 06:53 PM

MANILA – Desidido ang pamilya ng isang pedicab driver na nasawi sa Pasay City nitong Martes ng madaling araw na magsampa ng kaso laban sa mga pulis na umanong nakapatay dito.

"Lalaban po ako. Bibigyan ko ng hustisya ang asawa ko, para manahimik ang kaluluwa ng asawa ko," ani Rachel Bermoy, asawa ng pedicab driver na si Eric Sison, na tumakbo nang huhulihin sana ng mga pulis dahil sa umanong pagdadala ng marijuana.

BASAHIN: Pedicab driver, patay nang makabarilan ang mga pulis sa Pasay

Ayon sa Commission on Human Rights (CHR), kanilang iimbestigahan ang kaso.

"Malinaw na may pangaabuso na naganap…si Director General Ronald dela Rosa na ang nagsabi na they do not condone or endorse extrajudicial killings," ani CHR Chair Chito Gascon.

Ayon sa video na kuha ng isang testigo, nagsabi na si Sison, 20, na susuko na siya sa mga pulis nang ito ay umanong pinagbababaril.

Itinanggi rin ng pamilya at kapitbahay ni Sison na wala itong baril, at hindi rin ito umano gumagamit at nagtutulak ng droga.

Sinubukan ng ABS-CBN na hingan ng pahayag ang pamunuan ng Philippine National Police sa Pasay, pero tumanggi muna silang magbigay ng anumang pahayag dahil pinag-aaralan pa nila ang kaso.