Indian na maniningil ng utang, patay sa pamamaril

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2016 07:36 PM

Indian na maniningil ng utang, patay sa pamamaril 1

ISABELA - Patay ang isang Indian national matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga lalaki sa Barangay Calao West, Santiago City.

Maniningil sana ng pautang ang biktimang si Sukwinder Singh Gudhail nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa boundary ng Barangay Batal at Nagassican.

Ayon kay Police Chief Superintendent Redentor Gumaru, hepe ng Santiago City Police Station 1, posible umanong pagnanakaw ang motibo ng pamamaril. May dala umanong sling bag si Gudhail tuwing maniningil ngunit wala na ito nang matagpuan sa may damuhan.

Pitong taon nang naninirahan sa Santiago City si Gudhail. Kwento ng mga kaibigan nitong mga Indian national din, walang nakakaaway ang biktima.

Samantala, nagdulot naman ng takot sa Indian community ang pagpatay kay Gudhail. Nababahala sila sa di-umanoy dumaraming bilang ng mga namamatay na Indian sa bansa.