9 drug suspects, mga kabaong, ipinarada sa 'walk of shame'

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2016 09:32 AM

MANILA - Siyam na umano'y drug user at pusher, kabilang ang isang dating pulis, ang ipinarada ng pamahalaan ng Tanauan, Batangas sa walk of shame ngayong Martes.

Dahil itinuturing na "ghost month" ang Agosto, ito rin ang tema ng kontrobersyal na parada ngayong buwan.

Bitbit ang mga ataul, lumibot sa mga lansangan ng lungsod ang mga suspek na naaresto Lunes sa raid ng Mayor's Anti-crime Group sa Barangay Poblacion 4.

Nakadikit sa kanilang mga katawan ang mga karatulang nagsasabing "drug user" o "drug pusher." Pinaglakad din sila sa ilalim ng arkong may katagang, "Ilibing ang multo ng droga sa Agosto."

Itinanggi naman ng ilan sa mga suspek na sangkot sila sa droga.

Nitong Hunyo, pitong umano'y tulak at lulong sa droga ang isinalang ng Tanauan government sa "June Bride and Groom" walk of shame.

Siyam na iba pa ang sapilitang pinalahok ng pamahalaang lokal sa tinaguriang "Flores de Pusher" noong Mayo.