11-anyos na batang babae, nabuntis ng amain

Joey Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2016 03:39 PM

BUKIDNON - Isang 11-taong gulang na batang babae ang nabuntis matapos pagsamantalahan ng karelasyon ng kanyang ina.

Anim na buwang buntis ngayon si alyas "Melissa," na taga-Manolo Fortich, Bukidnon.

Nalaman ng kanyang ina na nagdadalang-tao ang kanyang panganay na anak nang dalhin niya ito sa ospital matapos manghina.

Itinuturong ama ng ipinagbubuntis ni Melissa ang amain nitong si alyas "Dodong."

Hindi makapaniwala ang ina ng biktima na magagawa ng kanyang live-in partner ang krimen. Siyam na taon nang nagsasama ang ina ni Melissa at si Dodong.

Ayon kay P03 Sheryl Magdaleno ng Women and Childrens Protection Desk, paulit-ulit na pinagsasamantalahan ng suspek si Melissa tuwing nasa trabaho ang ina nito.

Pinaghahanap na ng mga pulis ang suspek na haharap sa kasong rape.

Kapag napatunayang nagkasala, posibleng makulong habambuhay ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.