PatrolPH

Bangkang sinasakyan umano ng mga NPA, sumabog sa Samar

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2022 06:51 PM

Isang bangkang sinasakyan umano ng mga rebeldeng komunista ang sumabog habang ka-engkwentro nito ang mga tropa ng pamahalaan sa karagatan ng Catbalogan City, Samar, madaling araw ng Lunes, sabi ng militar.

Ayon sa pahayag ng Joint Task Force Storm ng Armed Forces of the Philippines, nangyari ang insidente bandang alas-4 ng madaling araw.

Nakatanggap umano ang militar ng impormasyong may mga armadong sakay ang isang bangkang de motor kaya pinuntahan iyon ng mga tropa ng pamahalaan.

Nang abisuhan umano ang nasabing bangka na magpa-inspect, nagpaputok raw ang mga sakay nito kaya gumanti rin ng putok ang mga sundalo.

"During the gunfight, for reasons still being determined, the hostile boat suddenly exploded," ayon sa pahayag ng JTF Storm.

"Ang suspetsa namin, meron explosives na dala... May mga box. So we suspect... ang duda kasi namin, they are now moving out of Samar... Ang usual na ano is they will move out and they will bring along their explosives. Para kung saan man sila lilipat, dun sila maglalatag ng mga kanilang defenses using explosives," sabi naman ni Maj. Gen. Edgardo de Leon, commanding general ng Philippine Army 8th Infantry Division na siyang nakakasakop sa Samar, nang kapanayamin ito ng mga mamamahayag.

Sabi pa ng opisyal, hindi hihigit sa 10 ang sakay ng naka-engkwentrong bangka base sa kanilang pag-estima, bagaman hindi pa nila alam kung sino-sino ang mga ito.

"Kaninang umaga, puro debris na eh... Ang isa lang pinagdududahan, baka hindi lang isang boat... Baka may ibang boat, tapos parang sinadya na nilang i-detonate 'yun," sagot ni de Leon sa tanong kung namatay ba ang lahat ng sakay ng bangka na aniya'y papunta sa direksyon ng Buri Island.

Pero sinabi niyang wala pa silang nakukuhang bangkay mula sa lugar ng pinangyarihan.

"Nagpapalipad nga ako ng eroplano, ng surveillance aircraft. Baka may makita," ani de Leon.

Hindi rin daw nila ma-validate ang kumakalat na impormasyong sakay doon ang mag-asawang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) consultants na sina Benito at Wilma Tiamzon.

“Sa ngayon, inaalam pa namin kung sino ang mga naka-engkwentro ng tropa natin. Mino-monitor talaga namin ang shorelines in support sa anti-illegal fishing campaign, criminal gangs eluding arrest. Ginagamit din itong mobility corridor ng CPP-NPA sa pag-transport ng personnel, baril at ng anti-personnel mines. Revelation ito ng mga kasamahan nilang (NPA) nagbalik-loob na sa gobyerno," ayon kay de Leon.

"We have been monitoring NPAs moving in and out... Parang naghihiwa-hiwalay sila eh," dagdag niya.

- may kasamang ulat ni Sharon Evite

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.