Ilang bahay, establisimyento natupok sa sunog sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2020 01:10 PM | Updated as of Aug 22 2020 04:31 PM

Naunang sumiklab ang sunog bandang alas-10 ng umaga sa bahay na gawa sa light materials. Michael Delizo, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) - Sumiklab ang isang sunog sa residential area sa Zapote Road sa Las Piñas City umaga ng Sabado, Agosto 22.

Naunang sumiklab ang sunog bandang alas-10 ng umaga sa bahay na gawa sa light materials.

Mabilis na kumalat at lumaki ang apoy na nasa Task Force Alpha nang bandang alas-11:30 ng umaga.

Mataas, makapal, at maitim ang usok na makikita mula pa lang sa Cavite Expressway.

Ora-orada ring nagsilabasan ng bahay ang mga residente sa lugar dala ang kung ano man ang mga mahahakot na gamit.

Higit 3 oras nagtagal ang sunog.

Si Erlyn Ronda, naisalba ang higit P200,000 naipong pera sa pagtitinda. Nabawi man niya ito hindi niya alam kung mapapakinabangan pa sa laki ng pinsala sa kanilang natupok na bahay.

“Mahirap po talaga kasi wala kaming mga damit, wala kaming gamit sa bahay, wala po kaming tirahan,” ani Ronda.

Kasama rin sa natupok ang isang optical shop, na sarado nang mangyari ang sunog.

“Ang tagal ho dumating ng mga bumbero, mga 20 minutes po bago dumating, ang apoy mabilis kumalat papunta dito eh,” kuwento ng residenteng si Justine Sanchez.

Ayon kay Supt. Arthur Sawat, City Fire Martial ng Las Pinas City - Bureau of Fire and Protection, pahirapan ang pagresponde dahil sa kipot ng daan papasok ng compound.

"Ito’y naagapan sana natin kung hindi malakas ‘yung hangin. ‘Yan ‘yung nagtulak na nagpalakas ng apoy. Tapos medyo wala tayong madadaanan pagpasok sa loob,” ani Sawat.

Hindi pa matukoy ang pinagmulan ng apoy. Wala namang nasaktan sa insidente.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.