PatrolPH

DoTr: Mga tsuper puwedeng tanggihan ang mga pasaherong lalabag sa health standards

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2020 03:18 PM

MAYNILA - Hinimok ng Department of Transportation ang mga tsuper ng pampublikong sasakyan na tanggihan sa pagsakay ang mga walang face mask, maging ang mga taong bawal lumalabas sa ilalim ng general community quarantine (GCQ). 

Ani Transportation Assistant Secretary Goddes Hope Libiran, responsibilidad ng mga tsuper at konduktor na tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero. 

Kasabay nito, nagpaalala si Libiran sa mga drayber at konduktor na maging mahinahon sa pagtatanong o paninita para makaiwas sa gulo. 

"Kung hindi maiiwasang talagang magre-refuse sila ng pasahero, hindi po dapat may kagaspangan ng pag-uugali 'yan. Dapat ang pag-refuse nila polite. Explain nila kung bakit nire-refuse para maintindihan at maramdaman ng pasaherong ginagawa 'yun for their own safety,” ani Libiran. 

Nilinaw naman ni Libiran na maaaring isakay ang mga nagtatrabahong senior at mga mas bata sa 21 anyos basta’t may maipakitang company ID o certificate of employment. 

Ipinagpapaliban din kung magpapatingin sa doktor o kukuha ng essential goods and services. 

Sa ilalim ng GCQ, pinapayagan ang operasyon ng piling pampublikong sasakyan basta’t susunod sa health protocols. 

Obiligado rin ang mga pasahero na magsuot ng face mask at face shield, alinsunod sa mga protocol na inilatag ng mga awtoridad. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.