Sanggol, patay sa aksidente sa Davao City

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2019 10:32 AM | Updated as of Aug 28 2019 10:37 AM

Binangga ng isang motorsiko ang sinasakyang tricycle ng mag-ina sa Davao City na nagresulta sa agarang pagkamatay ng sanggol. Larawan mula sa Tugbok Police Station

DAVAO CITY - Dead on the spot ang 10-buwang sanggol matapos mabangga ng motorsiklo ang likurang bahagi ng sinasakyang tricycle nila ng ina sa Barangay Mintal, Tugbok District, Miyerkules ng gabi.

Sa imbestigasyon ng Tugbok Police, sabay na nag-overtake sa parehong lane ang dalawang behikulo. Pero sa bilis ng patakbo ng motorsiklo, nabangga umano nito ang tricycle.

Sa lakas ng impact, tumilapon ang sanggol na nakaupo sa harapan kasama ng kaniyang ina.

Ayon kay Capt. Jonathan Calubag, deputy station commander ng Tugbok Police Station, natumba sa kanal ang tricycle at hindi namalayan ng ina ng bata na nabitawan na pala niya ang anak.

Labis naman ang pagsisi ng driver ng motorsiklo na kinilalang si Christian Joy Tawaay na positibo ring nakainom.

Inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.