Pedicab driver, sugatan sa hit-and-run

Berchan Angchay, ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2019 10:21 AM

Agad inalalayan ng rescuers ang sugatang pedicab driver matapos mabangga ng isang humaharurot na kotse sa Davao City. Larawan mula kay Cherry Sepelagio.

DAVAO CITY - Sugatan ang isang pedicab driver matapos na maging biktima ng hit-and-run sa Matina Aplaya, Miyerkoles ng gabi.

Duguan ang mukha at nakabalot ng bandage ang ulo ni Ryan Villamor matapos ang pangyayari.

Ayon sa kapwa pedicab driver na nakakita sa aksidente, umalis agad ang nakabanggang kotse pero hinabol umano nila ito at nakorner ang driver.

Sa imbestigasyon ng Talomo Police, una umanong nabangga ng suspek ang isang pick-up. Tumilapon ang kotse papunta sa nakaparadang pedicab na minamaneho ng biktima.

Sabi ni Capt. Rene Caras, Deputy Station Commander ng Talomo Police, nakainom ang suspek matapos magpositibo sa alcohol breath analyzer.

Hindi na nagbigay pa ng pahayag ang nakabanggang driver.

Inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.