Lalaking dawit sa serye ng 'basag-kotse' modus timbog sa QC

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2019 04:42 PM

Arestado ng mga pulis noong Miyerkoles ang umano'y kilabot na kawatan na modus ang mambasag ng bintana ng kotse at nakawin ang mga gamit sa loob nito.

Kinilala ang suspek na si Vicente Gonzales na nasakote matapos manmanan ng mga kawani ng Barangay East Kamias, Quezon City.

Sa imbestigasyon kasi, notoryus si Gonzales dahil ilang beses na itong nasasapul ng CCTV na nambabasag ng mga nakaparadang kotse. Hindi lang gamit kundi pati stereo ng sasakyan ay ninanakaw daw nito.

Nambibiktima daw si Gonzales sa iba't ibang bahagi ng Quezon City tulad ng Cubao at Kamuning. 

Nang makilala ang suspek sa CCTV ng Barangay East Kamias, sinundan na ito at ipinahuli. 

"Nag-iikot talaga siya at naghahanap ng sasakyang target. Nakita natin mambibiktima na naman siya kaya hinuli na natin," ani Octavio Garces, chairman ng Barangay East Kamias. 

Giit naman ng suspek, naimpluwensiyahan lang siya ng ilang kaibigan dahil sa kagipitan. 

"Niyaya lang po ako, wala kasi akong pera. Binibigyan lang ako ng P150," sabi ni Gonzales. 

Sinampahan na ng kasong theft at malicious mischief ang suspek. 

Iniimbestigahan na rin ng Quezon City Police District kung sino ang 2 pang kasabwat ng suspek. —Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.