BuCor sinita ang mga pagsuway sa piitan ni rapist-killer Antonio Sanchez

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2019 08:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos ang mga batikos, tila kumambiyo ang Bureau of Corrections (BuCor) at sinabing posibleng "disqualified" pala si convicted rapist-murderer Antonio Sanchez sa benepisyo ng "good conduct time allowance" (GCTA) dahil sa sari-sari nitong paglabag sa mga regulasyon habang ito ay nakakulong. 

Bukod kasi sa pagpuslit ng droga na itinago nito sa imahen ng Birheng Maria, nadiskubre rin ang magarang kubol ni Sanchez noong 2015.

"Iyong drugs na 'yun it will definitely disqualify you especially after several years na you have violated prison rules. So that is consistent violation of good behavior," paglilinaw ni BuCor Director General Nicanor Faeldon nitong Huwebes.

"We will review every activity of ex-Mayor Sanchez... Sigurado ako we will not allow [application of GCTA] to anybody who participated in the selling of drugs," dagdag pa ni Faeldon. 

Si Faeldon ang nagbunyag noong Martes na posibleng mapalaya si Sanchez dahil sa magandang asal na ipinakita niya sa Bilibid, alinsunod sa batas sa GCTA na naisabatas noong 2013. 

Si Sanchez ay dating alkalde ng Calauan, Laguna na nahatulang guilty sa pagpatay sa 2 University of the Philippines Los Baños (UPLB) students na sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez. 

Taong 1993 ay hinalay ng noo'y alkalde si Sarmenta at ipinagahasa din sa kaniyang mga tauhan bago ito binaril sa mukha. Tinortyur at pinatay din si Gomez.

Noong 1995 ay hinatulan ng 7 counts ng reclusion perpetua si Sanchez. 

DALAMHATI NG 2 INA

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, hindi naman makapaniwala sina Maria Clara Sarmenta at Iluminada Gomez, mga ina nina Eileen at Allan, sa balitang kalipikado sa maagang paglaya si Sanchez.
 
"Hindi kami papayag... Hindi kami papayag kahit na humingi ng tawad 'yan, because I know na lip service lang 'yon eh," sabi ni Gomez. 

"Paano nila kinompyut? 'Pakita naman nila sa amin kung paano na-compute kasi hindi naman namin basta matatanggap 'yung ganun na well-behaved siya kaya na-commute 'yung kaniyang [sentensiya], ano ba 'yung formula nila?" tanong naman ni Sarmenta. 

May abogado nang kausap ang pamilya Sarmenta at Gomez para tutukan at pigilan ang napipintong paglabas ni Sanchez.

Pero kahit mahigit 2 dekada na ang krimen, nanumbalik daw ito nitong mga nakaraang araw. 
 
"Lahat bumalik, 'yung paghihirap, all the pieces that are broken in our lives, it all came back... I'm so disappointed with our justice system, it's so unfair. Hindi ko talaga maintindihan," sabi ni Sarmenta. 

"You know what he dreams for me? He wants to give me a farm, a dairy farm, sa dairy farm kasi ako eh," pag-alala naman ni Gomez. 

PROTESTA

Samantala, nag-rally ang mga estudyante ng UPLB, kung saan nag-aral sina Sarmenta at Gomez, dahil sa posibleng pagpapalaya kay Sanchez. 

Watch more in iWant or TFC.tv

"Si Eileen at Allan ay biktima ng failed state kung saan inuuna ang kapakanan ng mayaman sa mahirap," sabi ni UPLB student council president Patricia Mayor. 
 
Bukod sa mga kabataan, nakiisa rin sa protesta ang ilang kaeskuwela noon ng 2 biktima. 

"Wala akong maisip na good conduct na makikita sa kaniya. Hindi ba nahulihan pa nga siya ng shabu sa selda? How is that good conduct?" tanong ni Bong Manlulu.
 
IMBESTIGASYON

Naghain na rin ng resolusyon sa Senado sina Sen. Franklin Drilon at Sen. Tito Sotto para himayin ang kalipikasyon ni Sanchez sa maagang paglaya sa kabila ng mga paglabag nito sa mga regulasyon ng piitan.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Good conduct is defined as conspicuous and satisfactory behavior, which involves active participation in a rehabilitation program... Doon pa lang hindi siya puwedeng mag-qualify for good conduct," sabi ni Sen. Franklin Drilon. 

Panukala naman ni Sen. Panfilo Lacson, i-disqualify sa GCTA ang heinous crime convicts.

Sa Kamara, plano rin ng ilang kongresista na imbestigahan ang mga butas sa batas na maaaring magamit para mapabilis ang paglaya ni Sanchez. 

—Ulat nina Adrian Ayalin, Michael Joe Delizo, Chiara Zambrano, at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.