Barangay chairman, patay sa pananambang

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2019 10:22 AM | Updated as of Aug 22 2019 07:46 PM

Sakay ng van ang mga biktima nang pagbabarilin ng mga salarin. Harris Julio, ABS-CBN News

(UPDATED) - Dalawang opisyal ng isang barangay sa bayan ng Santo Tomas sa Isabela ang nasawi matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang mga salarin, Miyerkoles ng gabi.

Dead on arrival sa ospital si Manuel Ramento, 40-anyos, punong barangay ng Bubug.

Huwebes ng umaga naman nang pumanaw si Kagawad Glenn Padre dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, galing sa piyesta ng bayan ang mga biktima at pauwi na sa kanilang barangay sakay ng van nang pagbabarilin ng mga salaring nakakubli sa maisan pagsapit sa kalsadang sakop ng Barangay Bagabag.

Ayon kay Police Capt. Mariano Manalo, hepe ng Santo Tomas Police, lumalabas na target talaga ng pananambang ang punong barangay.

Nakatanggap na rin ng mga pagbabanta sa buhay si Ramento, ayon sa kaniyang pamilya.

"Nagagalit daw yung pinapahinto niya sa illegal logging. Siya ang tinitingnan natin ngayon na suspek," sabi ni Manalo.

Narekober sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang mahigit 30-basyo ng bala ng hinihinalang M16 rifle.

Sa ngayon, nasa maayos na kundisyon at nagpapagaling sa ospital ang isa pang pasaherong nasugatan sa insidente.

Nakaligtas din ang anak ni Ramento pero hirap makausap ang dalagita dahil sa matinding trauma.

Hustisya ang panawagan ng pamilya ng mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.