Babae sugatan matapos bumangga ang SUV sa concrete barrier sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2019 04:39 AM

MAYNILA—Sugatan ang isang babae matapos bumangga ang minamanehong sports utility vehicle (SUV) sa concrete barrier sa Ortigas Ave. Extension sa Pasig City Miyerkoles ng gabi.

Hindi na nakuha ang pagkakakilanlan ng drayber ng Toyota RAV4 na may plakang WRP-857 dahil agad na isinugod ito sa ospital matapos mahilo at magtamo ng sugat sa braso.

Base sa inisyal na imbestigasyon, galing sa trabaho ang biktima at pauwi na sa Antipolo nang hindi nito mapansin ang concrete barrier at bumangga pasado alas-10 ng gabi.

Sa lakas ng impact, umikot pa ang SUV kaya humambalang sa kalsada. Nayupi ang harapan ng sasakyan at tumumba ang concrete barrier.

Hindi agad nadaanan ang lane na patungo sa Cainta Junction kaya nag-counterflow ang mga sasakyan sa kabilang lane.
 
Huwebes ng hatinggabi nang matanggal ang SUV at muling nadaanan ang kalsada.—Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.