Lalaking 'nangholdap' ng taxi sa Novaliches, napatay ng pulis

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2018 04:40 AM

MAYNILA - Patay ang isang lalaki na umano'y nangholdap ng isang taxi matapos maka-engkuwentro ng mga pulis sa Novaliches, Quezon City.

Ayon sa taxi driver, may sumakay sa kaniya na 2 lalaki sa tabi ng isang mall sa Novaliches.

Magpapahatid ang 2 sa Fairview pero nagpadaan muna umano sa ibang lugar para bibili ng gamot.

Pagdating ng Forest Hill Drive, tinutukan ng baril ang biktima at pinababa sa sasakyan.

May sumakay na isa pang lalaki sa taxi at tinangay ang sasakyan.

Nakahingi agad ng tulong ang biktima sa pulisya.

Ayon kay Supt. Rossel Cejas, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4, nagpaputok umano ang mga lalaki nang maabutan ng mga pulis.

Napatay ang isa sa kanila habang nakatakas naman ang 2.

Hinala ng pulisya na posibleng gagamitin ang taxi sa iba pang krimen. - Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.